Posted by: junjeesj | April 27, 2009

mumunting saya

Mumunting Saya

motor ride... sa likod ko si philip... papunta kaming upi, maguindanao...

summer 2006 (bago ako pumasok sa kapisanan ni hesus) ang huli kong bisita sa upi, maguindanao. kakatuwa na pagkatapos ng tatlong taon, napadpad ako dito para sa aking kaunaunahang ‘summer apostolate.’ ang saya ko. habang nakasakay kami sa ‘motor’ naalala ko ang mga panahong ako’y nag-‘mimission’ sa YFC. nakakamiss pala yun.

pero hindi na ‘youth camp’ o ‘youth conference’ ang pinunta ko dito ngayon kundi ‘water system construction.’ isa ito sa mga proyecto ng ESSC (Environmental Science for Social Change), isang ‘jesuit institution.’ naiibang gawain… kakaibang karanasan para sa akin.

dati mga ‘YFC coordinator’ at ‘leaders’ ang mga kausap ko, ngayon ka-‘meeting’ namin ang mayor ng lalawigan. hanep talaga! pakiramdam ko, big time! 😉

bonus ang pagkikita namin ng aking kamag-anak na sa upi nakatira. nagkita na rin kami ng aking mga pinsan pagkatapos ng anim na taon. parang pista ang aming pananghalian. busog na busog ako hindi lang dahil sa pagkain pati na rin sa tawanan at kwentuhan. ang saya!

haaay…

mumunting saya!

alam talaga ng Diyos kung paano ako papasayahin at bibigyan ng sigla…

Advertisements
Posted by: junjeesj | April 7, 2009

Ika-14 ng Pebrero

1 Sa tabing-ilog ako nakaupo noon. Ika-14 ng Pebrero, 2004. Sabado. Tila mga nangingiliting kamay ang himig ng pag-ibig sa hangin. Hindi ako mapakali. Parang matatawa na hindi. Kahit saan ako bumaling, pares-pares ang aking nakikita. Kung hindi magkahawak ang kamay, sila ay magkaakbay. Kung hindi magkaharap na nag-uusap, sila ay magkayakap. Nakakainis. Nakakainis dahil kusang sumasayaw ang puso ko sa indak ng mga tugtuging pag-ibig. Nakakainggit. Nakakainggit kasi nais ko rin sana ang may katabi, may kahawak-kamay, may kayakap. Pero, ako’y nag-iisa, walang kasama.

2 “Sakay na po kayo sa bangka. Isang daang piso lang ang isang oras,” alok ng mama na nakapwesto sa aking harap.

3 Ewan ko ba. Nasalamangka ata ako ng mama. Agad kong dinukot ang aking pitaka. Kumuha ng isang daang piso at iniabot sa kanya.

4 “Sir, wala po ba kayong kasama?” sabi ng mama.

5 Hindi ko na siya sinagot. Sumakay na lang ako at nagsagwan. Dahan-dahan na akong lumalayo sa tabing-ilog.

6 Sagwan nang sagwan. Unti-unting humihina ang mga himig na nagmumula sa tabing-ilog at unti-unting lumalakas ang tunog ng orkestrang binubuo ng mga malaplawtang ihip ng hangin at ng mga malabiyoling paghagod ng sagwan sa ilog. Kasabay ng orkestrang ito ang musikang nagmumula sa mala-korong awit ng aking hininga at pintig ng puso. Nagbago na rin ang tanawin. Hindi na ang mga pares-pares kundi ang mga punong tila sumasayaw sa kumpas ng musikang aking naririnig. Ganap na sana ang paligid para sa isang tipanan. Ngunit may kulang. Wala akong katipan.

7 Noo’y sampung buwan na kaming magkahiwalay ng aking sinisinta. Hindi kami nagkahiwalay dahil sa nagka-ayawan o nawalan ng pagmamahal sa isa’t isa. Nagkataon lang na may nanligaw sa akin at ako nama’y nagpaligaw. Naalala ko ang mga panahong puno ng paalamanan at iyakan. Hindi ko maikaila na mahal na mahal ko ang aking sinta at siya na ang gusto kong pakasalan. Ngunit pareho kaming walang magawa kundi ang ipaubaya ang aming pagsinta sa mismong tadhana.

8 Patuloy pa rin ang aking pagsagwan nang dahan-dahang dumaloy ang mga dalisay na luhang bumubulong ng mga katanungang hanggang sa mga panahong iyon ay wala pa ring kasagutan. Bakit ako nagpaligaw? Bakit ko hinayaang nakawin ang aking pagmamahal sa aking giliw? Bakit ba ako umibig sa wala man lamang bagay na pwede kong panghawakan?

9 Kinapa ko ang aking damdamin. Ako ba’y may galit o pagsisisi? Pero wala. Nakapagtataka. Ang mga katanungan ko’y katanungan ng isang tunay na nagmamahal. Kahit walang kasagutan, ayos lang. Pakiwari ko, ako’y umiibig na. Isinisigaw ng puso ko na ako’y umiibig ngunit hindi pa alam ng isip ko kung kanino. Napaibig na yata ako ng aking manliligaw.

10 Natigil na ang aking pagsagwan. Nasa gitna ako ng katubigan, iyak nang iyak. Sabi ko, “Sinasagot na kita.” Iyak pa rin ako nang iyak. Wala akong masabi, iyak pa rin ako nang iyak.

11 Sa kaila-ilaliman ng aking puso, narinig kong nagmula ang kanyang mga salita, “Minamahal kita. Asahan mo ang katapatan ko. Magtiwala ka. Hinding hindi kita pababayaan.”

12 Sumagot ang isip ko, “Hindi ko alam kung paano. Wala akong alam kung saan. Hindi pa ako handa sa buhay na alok mo. Pwede bang humingi ng dalawang taong palugit?”

13 “Akong bahala. Hihintayin kita,” alo niya.

14 Katahimikan.

15 Mag-iisang oras na. Nagsimula akong magsagwan pabalik ng pampang. Ako’y nagkaroon ng panibagong sigla. Gusto ko nang makarating agad sa tabing-ilog para mang-inis at mang-inggit sa lahat nang aking makikita. Puso ko’y puno ng saya. Ako’y may bago nang sinisinta.

16 Ngayon ay ika-14 ng Pebrero, 2006. Martes. Salamat at tapos na ang aking mga kailangang ipasa para sa aking application sa nobisyado sa Kapisanan ni Hesus. Natapos ko na rin ang mga examinations at interviews. Hihintayin ko na lang ang resulta kung matatanggap ako sa nobisyado o hindi.

17 Sa isang sulok ng Manresa, isang munting darasalan, nakaupo ako at nakatitig lamang sa kanya. Dalawang taon na nga pala.

18 Katahimikan.

19 Alam mong gustung-gusto kong magkapamilya. Nais kong mag-asawa. Magkaroon ng maraming anak. Bumuo ng isang maganda at masayang pamilya. Ngunit, ikaw na ang nagmamay-ari ng aking puso. Nabago na ang isipan ko nang labis mong pagmamahal sa akin. Gustung-gusto kitang sa tuwina’y kapiling. Nais kong maging tahanan ang pagsisilbi sa iyo. Magkaroon ng ganap na kapayapaan na nagmumula sa pag-ibig mo.

20 Pansin kong hindi na nagtatanong ang aking isip. Ramdam at alam ko na na ako’y matagal na ngang umiibig. Malaya ko nang masambit ang mga kataga ng pag-ibig. Hawak-hawak ko na ang natatanging pag-asang nagbibigay sa akin ng lakas at tapang.

21 Sa ika-25 ng Marso malalaman ko na. Maaring matanggap ako sa Kapisanan ni Hesus. Maaring hindi rin. Kung matatanggap ako, talagang dito ako tinatawag. Kung hindi naman ako matatanggap, hindi ko na mababalikan ang lahat ng aking iniwan. Ikakasal na ang aking dating sinisinta. Hindi ko na mababawi ang aking dating trabaho. Ano man ang maging pasya ay tatangis ako. Ngunit batid ko na magmumula sa pusong puno ng tiwala at pag-asa ang bawat patak ng aking luha. Naniniwala akong dadalhin ako ng Panginoon sa kanyang mithiin kung saan ko rin matatagpuan ang aking lubus-lubusang kasiyahan.

22 Handa na ako. Ang puso ko’t isipa’y handa na sa kahit ano mang maging tadhana.

23 Ang tangi kong bulong sa Kanya, “Naghihintay ako. Ikaw na ang bahala.”

– Jun-G Bargayo, SJ –

Posted by: junjeesj | January 8, 2009

SANA

1 Tok… tok… tok…

2 Ika-23 ng Disyembre, 1985, anim na taong gulang pa ako noon, nang humahangos na dumating si Lola at Lolo sa bahay namin. Binuksan ni Papa ang pinto, “Iniwan na kayo ni Mila… Isinanla niya ang titulo ng bahay namin ng papa mo. Inubos n’ya ang lahat ng pera sa sugal. Umuwi s’ya. Parang rebentador na pumutok ang galit ng papa mo. Pinalayas s’ya… Iniwan na kayo ni Mila.,” sabi ni Lola.

3 “Magkano po ba ang sanla n’ya sa bahay?,” tanong ni Papa.

4 Agad namang sumagot si Lolo, “Limang libo!”

5 “Limang libo lang pala, bakit n’yo pinalayas si Mila? Kaya ko namang bayaran yun sa susunod na sweldo.,” sabi ni Papa.

6 “Ewan ko sa’yo! Bakit ba pinagtatanggol mo pa si Mila? Anong klase s’yang asawa. Nalulon na s’ya sa sugal. Kelangan n’yang turuan ng leksyon. Ikaw kase kinukunsente mo. Kaya lumalala. Hayaan mo na s’ya. Huwag na huwag mo s’yang hahanapin.,” mataas na ang boses ni Lolo.

7 “Papa naman. Pasko ngayon.,” paliwanag ni Papa.

8 Hindi na nagsalita pa si Lolo at Lola.

9 Hindi ko naiintindihan ang mga pinagsasabi nila Lolo at Lola, pero ramdam ko ang galit nila. Ramdam ko rin na naiinis si Papa. Basta si Mama ang pinag-uusapan nila. Sangla. Sugal. Talo. Layas. Pabayaan. Leksyon. Pasko. Ito ang mga salita na tumatak sa isipan ko. Hindi ko man maintindihan ang pinag-uusapan nila, nakaramdam ako ng takot at naluha ako.

10 Pinapasok ni Papa sa bahay si Lolo at Lola. Hindi man lamang nila ako napansin. Nakabuntot ako kay Papa habang hinahatid n’ya sina Lolo at Lola sa kanilang kwarto. Inilapag ni Papa ang mga bag nila. Agad namang nagmano ako sa kanila. Hinalikan ako nila at niyakap ng mahigpit. Bulong ni Lola, “Kawawa naman ang apo ko.” Medyo matagal ang pagkayakap ni lola sa akin. Umiiyak ata, ramdam ko ang pagpatak ng kanyang mga luha sa aking balikat.

11 “Bakit ako kawawa?” tanong ko sa sarili.

12 “Hayaan na muna nating magpahinga sina lolo at lola mo… Sigurado akong pagod sila. Apat na oras din ang bineyahe n’la mula Cotabato hanggang Kidapawan… Kaya halika na… mamaya ka na lang makipagkwentuhan,” sabi ni Papa sa akin. Tahimik naman akong sumunod.

13 Naupo ako sa sofa namin. Ang lungkot ng paligid. Tinititigan ko ang Christmas tree. Walang ilaw ang mga Christmas lights na nakapaibot dito. Ang lungkot ng tugtog na Christmas song na naririnig ko. Humikab ako at agad na nakatulog.

14 Ginising ako ng mga hagod ng kamay ni Papa sa aking ulo. Nakabihis si Papa.

15 “Saan po kayo pupunta?” tanong ko sa kanya.

16 “Hahanapin ko si Mama,” sagot niya. “Dito ka lang muna. Babalik din ako bukas. D’un ka muna matulog sa kwatro kina lolo at lola mo,” dagdag pa n’ya.

17 Bumangon ako.

18 “Halika,” yaya ni Papa. “Magdasal tayo. Ikaw magsasabi kay Jesus kasi malakas ka sa kanya. Sabihin mo kay Jesus na sana sa pasko narito ang Mama.”

19 Lumuhod kami ni Papa. Nagdasal ako. “Jesus, sana bukas sa pasko nandito na si Mama. Sana mahanap siya ni Papa para masaya ang pasko namin. Amen.”

20 Niyakap ako ni Papa. Nanginginig s’ya. “Magpakabait ka. Hayaan mo mahahanap ko rin ang Mama,” bilin ni Papa.

21 Tiningnan ko si Papa. Sabi ko, “Sabi ni lolo, huwag mo na daw hanapin si Mama.”

22 Nilagay niya ang dalawang kamay n’ya sa aking mukha at sabi n’ya, “Duro. Gusto ko lang maging masaya ang Pasko natin.”

23 Niyakap ko si Papa, “Sama ‘ko Pa!,” hiling ko. Hindi na ako nangulit nang sinabi n’yang hindi pwede. “Sabagay mangangaroling naman kami mamayang gabi,” pag-alo ko sa sarili.

24 Umalis na si Papa. Ako naman excited na sa caroling.

25 Pagkatapos ng hapunan, nangapit-bahay na kami nina Van para mag-caroling. Nakaanim na sampung piso din kami. Tigsa-sampu kami. Masaya na ako dun. Umuwi agad ako sa bahay. Hinanap ko si Lola para magkwento. Dala ko pa ang mga tansang tinuhog ng kawad na gamit ko sa pangangaroling. Pinag-mayabang ko kay Lola ang sampung piso na kinita ko. “Makakabili na ako ng lusis lola,”sabi ko sa kanya sabay yakap.

26 Pinunas ni lola ang pawis ko sa mukha. Nagdasal kami ng rosaryo subalit bago pa man ito natapos agad akong naidlip dahil sa pagod.

27 Maliwanag na nang ako’y magising. Pagkabangon ko, tumakbo agad ako palabas. Inaasahan kong makikita ko sina Papa at Mama.

28 “Duro, saan ka pupunta?” sigaw ni Lola. “Halika muna rito. Kumain ka muna,” dagdag niya.

29 Parang hindi ko narinig si Lola. Tuloy pa rin ako sa paghahanap kina Mama at Papa. Pero, wala pa rin sila. Bumalik ako sa higaan. Napansin ko ang nakasabit na medyas sa bintana. Si Mama ang kasama kong nagsabit nun. Ipinikit ko ang aking mga mata. Nag-wish. “Sana Santa Klaws, pwede po bang madagdagan ang hiling ko ngayong pasko. Sana po kasama ang Mama ko sa robot na hiningi ko na. Papalitan ko nalang po yung medyas ko ng mas malaki.” Ngunit, “Saan kaya ako makakakuha ng malaking medyas?” tanong ko sa sarili.

30 Tumungo ako kay Lola. Humingi ako ng pera sa kanya, “Lola bibili po sana ako ng malaking medyas sa tindahan ni Aling Rita.”

31 Tinanong ako ni Lola kung aanhin ko ang malaking medyas. Sagot ko sa kanya, “Para po magkasya si Mama, hiningi ko s’yang maging regalo kay Santa Klaws.”

32 Sabi ni lola, “Duro, hindi nagreregalo si Santa ng tao. At isa pa, hindi na mahahanap ni Santa ang Mama mo.”

33 Umiyak ako. “Lola tulungan mo naman ako. Hanap tayo ng malaking medyas. Mabait naman ako. Gusto ko kasama si Mama na regalo ni Santa Klaws sa akin.”

34 Nilapitan ko rin si Lolo. Wala na daw kaming magagawa pa. Natakot ako. Takot akong mawala nang tuluyan si Mama. Takot akong hindi mahanap ni Papa ang Mama. Alam kong si Santa Klaws lang ang makakahanap kay Mama. Sana nandito si Mama.

35 Tinawag na ako ni Lola para mananghalian. Umupo ako sa harap ng mesa. Walang kakulay-kulay ang mga pagkain. Sumubo ako. Walang kalasa-lasa. “Lola wala pa po ba sina Papa at Mama?” tanong ko kay Lola.

36 “Wala pa…Kumain ka lang, baka maya-maya ay darating na sila,” sagot niya.

37 Pinilit kong kumain.

38 “Duro! Duro! Duro!” sigaw ng kaibigan kong si Van. Niyayaya niya akong maglaro sa kanila. Nagmadali ako at sumama kay Van sa kanilang bahay. Ang ganda ng mga dekorasyong pampasko sa bahay nila Van. Naglaro kami ng family computer. Masayang-masaya ako kasi lagi ako ang nananalo.

39 “Duro! Duro! Duro!,” tinatawag na ako ni Lolo. Dumating na raw si Papa. Tumakbo pauwi. Hindi na ako nakapagpaalam kay Van.

40 “Papa! Pa! Pa!” sigaw ko. Nakita ko si Papa. Hindi s’ya nakangiti. Hindi n’ya kasama si Mama.

41 Nalungkot din ako.

42 Nag-usap kami ni Papa sa may balkonahe. Sumiksik ako sa tabi ni Papa, malamig nga ang hangin tuwing pasko. “Pasyenya na Duro, hindi ko nahanap ang mama,” sabi n’ya sa akin. Hindi ako umiimik. Ikinuwento ni Papa kung paano n’ya hinanap si Mama. Napatigil s’ya, tumingin sa malayo at nakikita kong may namumuong luha sa kanyang mga mata. Naiyak si Papa.

43 Sabi ko kay Papa, “Di bale Pa, sinabi ko na kay Santa Klaws na gusto kong isama n’ya si Mama sa robot na hiniling ko sa kanya. Pagbibigyan ako nun. Good boy ata ako, di po ba?”

44 “Oo” agad na sagot ni Papa, sabay punas sa pisnging mamasa-masa sa luha.

45 Maaga kaming kumain ng hapunan. Humihirit si Lolo, nagpipilit magpatawa. Wala namang tumatawa kundi ako lang.

46 Nagsimba kami. Tiningnan ko ang mga bata sa paligid ko. Ang saya-saya nila. Halos lahat sila kasama ang mga Mama nila. Pati si Baby Jesus nakangiti rin kasi naman kasama n’ya Mama n’ya. Buti pa nung mga nakaraan pasko buo kami at lagi akong nasa tabi ni Mama. Kanina masaya ako, pero ngayon hindi na. “Sana nandito din si Mama,” bulong ko sa sarili. Nainggit ako. Iniisip ko, “Di bale, mamaya pag-uwi namin nasa bahay na si Mama.”

47 Ang tagal ng misa. Parang hindi na ata matatapos. Hindi na ako mapakali. Maya-maya lalabas ako, kunyari iihi. Palakad lakad. “Father sana tapusin n’yo na po,” reklamo ko.

48 Noong kinakanta na ang “Ang Pasko ay Sumapit,” hinihila ko na palabas si Papa. “Uwi na tayo Pa, baka nasa bahay na si Mama,” yaya ko sa kanya. Walang kibo si Papa.

49 Dumating kami sa bahay. Walang ilaw. Madilim. Wala pa rin si Mama.

50 Nagsimula na akong umiyak. “Hindi na darating si Mama?” tanong ko kay Papa.

51 “Hindi ko alam,” sagot niya.

52 Umiiyak ako kasi takot akong mawalan ng Mama. Takot din ako baka maputukan s’ya ng mga rebentador sa labas. “Saan na kaya si Mama?” paulit ulit kong tanong ito habang nakadungaw sa aming bintana.

53 Nakatulog ako sa kahihintay. Nagising ako ng kaunti nang binuhat ako ni Papa at inihiga sa kama. Sandali lamang at nakatulog ulit ako.

54 Tok… Tok… Tok…

55 Nagising ako. Agad kong tiningnan ang medyas na nakasabit sa bintana. Walang laman. Nakalimutan ata ako ni Santa Klaws. Wala akong regalo. Umiiyak na ako. “Kung nandito sana si Mama, papaalalahanan niya si Santa Klaws na huwag akong kalimutan,” hibik ko.

56 “Bakit ka umiiyak? Paskong pasko eh,” sabi ng boses na narinig ko.

57 “Wala! Wala akong regalo!” padabog kong sagot.

58 “Pwede ba naman yun? Heto may regalo ako sa’yo,” sagot niya.

59 Tiningnan ko siya parang hindi ako makapaniwala. Hindi maliwanag ang paningin ko, nauulapan ng aking mga luha. Lumapit s’ya at pinahiran n’ya ang aking mga mata.

60 Niyakap ko s’ya. “Akala ko… akala ko…” pautal kong sinabi.

61 “Patawad Duro,” sabi niya.

62 Niyakap n’ya akong mahigpit. Iniabot n’ya ang regalo. Kinuha daw n’ya mula sa medyas na nakasabit sa bintana.

63 Nang binukasan ko ito. Wow! Robot. Sabi ko, “Salamat Mama! Salamat Mama!” Hindi ko maipaliwanag ang aking naramdaman. Ang saya!

64 Iniwan muna nila akong mag-isa sa kwarto. Naulinigan kong nag-uusap sila Mama, Papa, Lola at Lolo sa sala. Matagal din silang nag-usap. Pinilit kong makinig. Tinapat ko ang aking tenga sa pinto. Wala pa rin akong marinig kundi ang salitang, “Patawad,” na nagmumula kay Mama.

65 Nilaro ko nalang ang robot.

66 Maya-maya tinawag na ako ni Papa. Handa na pala ang almusal.

67 “Mukhang masarap ang pagkain na inihanda ni Lola,” pasigaw na bati ni Papa.

68 “Naaamoy ko na ang Hamon at keso de bola,” dagdag pa n’ya.

69 Lumapit ako sa mesa na sumisigaw ng buong pagmamalaki, “Papa! Papa! Lolo! Lola! Tingnan n’yo ang regalo ni Santa Klaws.”

70 “Wow!” korong sagot nila.

71 Huling huli kong kumindat si Papa kay Mama.

72 Tiningnan ko si Mama, si Lola, si Papa at si Lolo. “Bakit po namumugto ang inyong mga mata? Umiyak po ba kayo?” tanong ko.

73 Walang kumibo.

74 “Maligayang Pasko!” sabi ni Papa.

75 Pinatugtog ni Lolo ang radyo. Masaya naming sinasabayan ang kanta, “Pasko! Pasko na naman muli… Ang pag-ibig s’yang naghari…”

– Jun-G Bargayo SJ –

Posted by: junjeesj | January 8, 2009

PASKO SA AMIN

1 Ang pasko nga naman ay gumuguhit ng kasaysayan ng tao at ng kanyang pamayanan. Dito sa Pilipinas, kahit saan may pasko kaya kahit sino merong kwento tungkol dito. Iyong iba masasaya. Meron ding namang malulungkot.

2 Ito ang kwento ko.

3 Si Mama ang laging nag-iisip kung ano ang magiging palamuti sa bahay tuwing pasko. Ano man ang maisip niya ay agad niyang ginagawa. Mamimili na agad siya sa department store. Hindi siya uuwi hanggang hindi niya makumpleto ang pandekorasyon niya. Pag-uwi niya sa bahay, gagawin na niya agad ang plano niya. Kaya, kami ni Papa ay nabibigla sa hitsura ng bahay pagkagaling namin mula sa eskwela at trabaho. Panalo! Lahat nagawa ni Mama sa loob ng isang araw.

4 Si Papa naman hilig niya ang mangalap ng mga tugtugin pampasko. Tuwing pasko, siya ang stereo operator sa bahay. Meron na siyang nakahandang play list ng mga kanta. Magsisimula ang tugtuging pampasko sa bahay pagkatapos ng undas. Kaya simula ng ika-3 ng Nobyembre ay maagang gumigising si Papa upang magsimula ng magpatugtog. Kaya simula din sa araw na ito, ang gumigising sa akin ay ang mga himig na pampaskong handog ni Papa.

5 Ako naman ay abala sa listahan ng bibigyan namin ng regalo sa pasko. Kailangang wala akong makalimutang pangalan: mga close na kapamilya, mga inaanak, mga kaibigan. Sa listahan, katapat ng pangalan ay ang maaring ibigay na regalo. Nakaayos din ang mga pangalan ayon sa kung sino ang makakatanggap ng pinakamahal hanggang sa pinakamura. May budget na binibigay si Mama at Papa, at ako na ang bahala. Masaya kong ginagawa ito. Hindi na rin mahirap kasi meron na akong sistema.

6 Para sa mga nangangaroling, si Papa naman ang naghahanda ng mga barya. Naka-budget na kung magkano ang dapat ipamigay. Fix na rin ang mga ibinibigay ni Papa sa mga bata at matatandang namamasko. Ang ibinibigay ni Papa sa mga bata ay sampung piso, sa matatanda naman ay dalawampu’t limang piso. Noon, masasabing galante na ito. Pero sa ngayon, ewan ko.

7 Kaming mga magkakaibigan ay nangangaroling din. Ako, si Greg, si Ian at si Bimbo ang mga main stay. May schedule na rin ang pangangaroling namin. Nagsisimula kami sa ika-12 ng Disyembre. Si Greg ang nag-gigitara sa amin. Paborito naming kanta ay Silent Night, Angels We Have Heart on High, Ang Pasko ay Sumapit at ang walang kamatayang We Wish You a Merry Christmas. Lumalalim at tumitibay ang aming pagkakaibigan dahil sa pangangaroling. Malaki din ang naiipon naming pera. Noong bata pa kami, hinahati-hati namin ang pera para pambili ng regalo para sa Christmas party sa paaralan. Pero noong tumanda na kami, iniipon namin ang pera at ginagasta sa isang makabuluhang proyekto tulad ng pag-sponsor ng Christmas party sa mga batang palabuy-laboy sa kalye o di kaya sa mga matatandang nasa home for the aged.

8 Masaya din ang Simbang Gabi. Kasama ko ang aking mga magulang na nagsisimba. Magkikita-kita kami ng aking mga kaibigan sa simbahan. Nasa choir kaming magkakaibigan maliban kay Bong na ilang beses nang-audition pero talagang walang hilig ang kanta sa kanya.

9 Minsan si Papa ay naatasang magbahagi sa homily. Nakakahiya kasi nabubuko ang ilan sa mga sekreto naming magpamilya. Pero, sa loob-loob ko rin, natutuwa akong makita ang kagalakan ni Papa na kinukwento ang aming mga karanasan. Palagi namang lumuluha si Mama na nakikinig sa mga kwento ni Papa.

10 Wala kami sa bahay sa bisperas ng pasko. Pumupunta kami kina Lola at Lolo. Nakasanayan na nila Papa at kanyang mga kapatid na magsalu-salo kina Lola at Lolo sa noche buena. Exciting yun lagi sa akin kasi magkikita-kita kaming magpipinsan. Marami din ang regalong matatanggap namin mula sa isa’t isa. Si Tito Iding, pera ang laging ipinamimigay nun. Noong bata pa ako, dalawampung piso lagi iyon, pero noong ako ay nasa college na, naging isang daang piso. Meron ding hinahandang program para sa lahat sina Tita Rosa at Tita Ganda. Maraming palaro na pwede kaming manalo ng maraming premyo.

11 Masaya ang pasko sa amin.

12 Marami ring kwento ang aking mga kapitbahay. Si Allan, tuwing pasko lang niya nakikita ang kanyang ama na nagtatrabaho sa Saudi. Parang laging may pista sa kanila tuwing panahon ng pasko. Inuman gabi-gabi. Handaan naman araw-araw. Marami ring bagong damit at laruan si Allan tuwing panahon ng pasko. Si Aling Nida naman, swerte na kung nasa bahay siya tuwing pasko. May duty kasi siya sa ospital. Nasanay na rin yata ang pamilya niya. Sina Gina naman, nasa ibang lugar sila kung pasko. Nakakandado na agad ang bahay nila kinabukasan ng huling araw ng klase sa Disyembre. Palibhasa mayaman kaya kung minsan mabalitaan na lang namin na nasa Disney Land na pala sila.

13 Naalala ko noong pasko taong 2000, nanganak si Aling Maria, saktong-sakto, ika-25 ng Disyembre. Pakiramdam daw niya siya si Inang Maria. Kaya din Jessie ang ipinangalan niya sa kanyang sanggol na babae. Si Kuya Arman naman nanalo ng Nissan Urvan sa pa-raffle ng department store sa amin. Hindi siya natuwa kasi mas malaki pa daw ang van na napanalunan niya kaysa bahay niya. Tapos, wala daw marunong magdrive sa kanila. Laging galit tuloy si Kuya Arman dahil dito. Sabi naman ng mga kapitbahay, drama lang lahat ni Kuya Arman iyon para hindi daw siya mahingan ng balato. Si Carol naman na pinalayas dahil nabuntis ng boyfriend niya ay pinatawad na ng kaniyang mga magulang alang-alang daw sa pasko. Klasik naman ang kaso ni Nanay Rita at Nanay Norma. Magkagalit lagi ang dalawa pero sa araw ng pasko nagkakabati sila. Lilipas ang ilang araw, magkaaway na naman sila. Nahuhulaan na namin kung anong mangyayari sa susunod na pasko kina Nanay Rita at Nanay Norma, panandaliang magkakabati ang dalawa.

14 Masaya at madrama ang pasko sa amin.

15 Ngunit, noong pagka-graduate ko ng college, tila nag-iba ang pasko sa amin. Huminto na kami ng pangangaroling. Marami na rin sa mga kaibigan ko ang lumipat ng tirahan. Mangilan-ngilan na din ang nagkaroon ng trabaho sa ibang lugar at umuuwi na lamang sa bisberas ng pasko. Iba na nga ata ang pasko pag matanda ka na. Subalit kahit papano masaya pa rin. Yun nga lang nadadagdagan ang mga taong iyong bibigyan ng mga regalo. Masaya na rin ako kasi marami akong napapasaya katulad ng mga inaanak ko sa binyag.

16 Matagal na rin akong hindi umuuwi sa amin kahit na pasko. Nakukuntento na lang ako sa mga kwento nina Papa at Mama sa telepono. Si Greg daw nag-asawa na. Si Ian ikakasal na. Si Bimbo naman daw nasa Papua New Guinea na. Kahit ibang iba na daw ang pasko sa amin, masaya pa rin sabi nila Papa at Mama.

17 Masaya pa rin ata ang pasko sa amin.

18 Ilang araw na lang at makakauwi na ako. Makikita ko nang muli ang mga palamuti ni Mama sa bahay. Maririnig ko na ang mga tugtugin ni Papa. Excited akong makita at marinig ang mga nangangaroling sa bahay. Naku, may kanya-kanyang buhay na ang aking mga kaibigan. Tiyak marami silang kwento kaya kailangang ihanda ko ang aking mga tenga sa pakikinig.

19 Tiyak na masaya ang magiging reunion namin kina Lola at Lolo sa darating na pasko. Malamang, higit sa isang daang piso na ang ibibigay ni Tito Iding sa akin. Dagdag kagalakan sa mga matatanda na makakadalo ako doon. Walang tulugan ito.

20 Naatasan na naman daw si Papa na magbahagi sa isa sa mga homily sa Simbang Gabi. Nakakakaba iyon. Pero, inaabangan kong makita ang kagalakan ni Papa at pagmasdan ang mga luha ng pagmamahal na tutulo sa mga mata ni Mama.

21 Tiyak madadagdagan ang sanaysay kong ito pagkatapos ng pasko dahil ang pasko sa amin hindi pa tapos ang kwento.

– Jun-G Bargayo SJ –

Posted by: junjeesj | January 4, 2009

Pantatlumpong Pasko

Noong apat ako, baril-barilan ang regalo
Ni Uncle Rolly na gusto akong maging sundalo;
Pangarap n’yang ito’y naiwan lamang sa retrato.

Dose ako nun, magtatapos sa elementarya,
Relong seiko ang aginaldo na galing kay papa;
Pampaswerte daw, nais n’yang ako’y yumaman sana.

Pangkasal ang pamasko ni lolo, isang kurbata
Nung ako’y dalawampu’t isa at may sinisinta;
Bigo ang lolo nang maghiwalay kami ni Kayla.

Una at pangalawang pasko ko bilang nobisyo;
Mula sa Sapang Palay, sa Christmas cards na regalo
Nakasulat ang mga dalanging nagkakatotoo.

Ngayon, pantatlumpung pasko ko, ako’y Heswita na;
Matagal di nakauwi, simpleng gunita sana:
Kapiling ang magulang pagsapit ng Noche Buena.

– Jun-G Bargayo, SJ –

Posted by: junjeesj | January 4, 2009

Misa de Gallo

Misa de gallo sa simbahan (Misa de gallo at church)
At nagtilaok na ang tandang (And the rooster crows)
Tanda ng pagdiriwang at pagmisa (Symbol of celebration and mass)
Paskong dakilang araw (Christmas, the great day)

I was four years old when I first experienced Misa de Gallo. I was fascinated walking the streets with so many people at 3:30 dawn. All were headed to the Church. This fascination remains with me until now. Thus, every year, I look forward to not missing a single Misa de Gallo.

The Misa de Gallo is one of the most impressive expressions of faith of the Filipino Catholics. It is literally translated in English as the “rooster’s mass or dawn mass.” In other Spanish speaking countries, they call the Christmas eve mass, Misa de Gallo. But, here in the Philippines, when we say Misa de Gallo, it refers to the nine dawn masses from December 16 to December 24.

Once my teacher in Values Education subject in second year high school required us to write about the Misa de Gallo in the Philippines. The title of my essay then was Pista (Feast). I felt a sense of pride that in my country Christmas is very lively and lovely. There seems to have no poverty at all. Everything seems to be abundant and prosperous. Everyone wears colorful clothes.

The streets are shining with colorful parol. One can see lots of stars, different boxes decorated as gifts, many statues of Santa Claus, Frosty the Snowman and Rudolph the reindeer. People decorate their front gardens with Christmas lights. Rich people’s houses have huge, multicolored glimmering Christmas trees. In some streets, one can see a showcase of belen from the very simple to the most intricate. My mother always turns on the lights of our lanterns outside the house when we leave for Misa de Gallo.

Also, on the streets you can see vendors selling lighted Christmas lanterns, wind horns and fire crackers. Outside the Church, make shifts stalls are selling traditional Pinoy food. More popular are the puto bumbong and bibingka.

Filipino Misa de Gallo is a communal activity. This is a magical event for families, community and friends. I never expected to see many friends and families. The reasons for attending Misa de Gallo vary. Some people are there for the fun and the excitement. They take this opportunity to be with friends, special friends or even crushes. Many consider this as a family bonding activity. Some are there because they are forced by their parents. My parents, when I was a kid, often bribed me with sumptuous pampainit after the mass.

But there are others who attend the Misa de Gallo as an expression of their devotion to God and to the Blessed Virgin Mary. Those who do not usually go to mass, like many of the nominal Catholics, are enticed to go to mass. Many people strive to complete the nine dawn masses. Even my uncles, whom I never saw attending mass, are also trying to complete the nine dawn masses. Some of their motivations may be superstitious. I was once told by one of my uncles that if I can complete the nine dawn masses I can make a wish and it will be granted.

Ang awit na handog sa Mesiyas (The songs that are offered to the Messiah)
Mayroon pang kastanyeta
(Have castanets playing)
At ang koro tuloy ang kanta
(And a choir that continues to sing)
May saliw din ng pandereta (Also accompanied by tambourines)

Nine dawns of festivities. Nine dawns of jubilant celebration of God’s love to all.

I am never bored walking on the streets during Misa de Gallo. From our house, I can already hear the loud speakers that are set up at Churches to amplify lively Christmas carols. The spirit of the people is awake. You may no longer see people carrying castanets and tambourines, but you can hear them singing along with the songs played on the amplifiers; Pinoy Christmas songs like, Ang Pasko ay Sumapit and Pasko na Naman, are the hit songs heard on the streets.

Even if it is the fourth watch of the night, the choir are not sleeping. One can see many choir members at the choir loft. The orchestra are accompanied by keyboards, guitars, tambourines, maracas, castanets and even drums. I remember those times that I was a choir member of our church. It was always easy to sing during Misa de Gallo. The instrumentalists were high spirited. It was fun singing with the congregation who were actively singing too. The most beautiful scence in the Church for me are children happily and loudly singing even if they have the wrong lyrics. I always said to myself that I was once like those children.

I came across Fr. Horacio dela Costa’s “Jewels of the Pauper.” He said that Filipinos have two jewels, our religion and our music. According to him, we are one people when we sing and when we pray. This is what I feel on Misa de Gallo. During the masses, when the congregation sings, the music sounds from every heart, the young and old, men and women, rich and poor, united in prayer and worship.

Misa de Gallo sa tuwing Pasko (Misa de Gallo every Christmas)
Nagdarasal ang bawa’t tao
(Every person is praying)
At nagpapasalamat sa pagsilang
(And giving thanks for the birth)
Ng Diyos na Hari ng mundo
(Of God, the King of the world)

The Misa de Gallo is a gift to all Filipinos. This celebration is shared in the rural and in the urban areas alike. It is celebrated everywhere in the country. This is one of the things that unite us. The rich and the poor share the same excitement and happiness while experiencing the Misa de Gallo with families and friends. Even other faiths celebrate Misa de Gallo with the Catholics. You can see Protestant churches having dawn worship and services. Even the Muslims celebrate Christmas. All are one in longing and praying for something better for the self, for others, for our country and for the world. More significantly, the Misa de Gallo has become a venue for forgiveness and the healing of relationships.

Indeed, it is a joyfully waiting.

The Misa de Gallo reflects the positive attitude of Filipinos as a happy and a resilient people. Amidst poverty, Filipinos can still find such joy in celebrating the birth of our Lord Jesus Christ.

Yet, Filipino Misa de Gallo is not just celebrated here in the Philippines. Wherever there is a big community of Catholic Filipinos abroad, one may expect a celebration of Misa de Gallo. When I went to Brunei Darusalam, I was so amazed to experience the Misa de Gallo there. It is now in other countries, even in predominantly Muslim country.

The Misa de Gallo is not just a gift to the Filipinos, but it is becoming a gift of the Filipinos to the world.

– Jun-G Bargayo, SJ –

Posted by: junjeesj | November 11, 2008

simula na ng pag-aaral

sana bakasyon nalang lagi. tulog. kain. manood ng mga pelikula. kwentuhan. pero, tapos na ang bakasyon. simula na naman ng pag-aaral. basa. sulat. makinig sa mga guro. pananaliksik. ito ang mga bagay na ayaw na ayaw kong gawin. pero, wala akong magagawa kundi gawin pa rin ang mga ito.

limang buwan na naman ng pag-aaral. ligaya kong isipin na mabilis lang na lilipas ang mga panahon. matatapos din ang “semester” na ito.

sa pagkakataong ito, marami akong masayang inaantabayanan: ang “triduum”, ang “renovation of vows” ko, ang pag-uwi sa pasko, ang mga “apostolate activities” ko. basta marami pa. tiyak, ito ang magbibigay sa akin ng lakas para basahin ang sangkatutak na mga libro, para isulat ang napakaraming sanaysay, “research paper,” tula at iba pa.

katulad nung nakaraan “semester” alam kong kakayanin ko ito.

nariyan ang Panginoon, ang nagtawag sa akin. di n’ya ako pababayaan. kasabay ng pagsusumikap ko sa pag-aaral ay ang pananalangin sa araw-araw. panalangin ko’y hindi lang para sa sarili kundi pati na rin sa aking mga guro, mga “batchmates,” mga kaibigan, mga “formators” at ang aking pamilya. naniniwala akong hinding-hindi nakakalimot ang Panginoon na pakingan kahit na ang aking mga mumunting hiling.

may bigat mang dala ang simula ng pag-aaral na ito, haharapin ko itong puno ng pag-asa na malalagpasan ko ito na may sigla at galak sa aking katawan at puso.

– Jun-G Bargayo –

Posted by: junjeesj | October 23, 2008

trusting… hoping.

bukas na ang Option and so far, konti pa lang ang nag-cofirm na aattend. but we are still hoping for a good number of participants. kahapon nag-papanic na ako, because all my invites are backing out. anim sila. lahat hindi makakapunta. haaay. i was complaining to God during my prayer. i was reminded that actually, he is the one inviting and we are just his instruments in spreading his invitation. this realization, somehow, brings me peace. but of course, we will continue to spread the good news.

– Jun-G Bargayo –

Posted by: junjeesj | October 14, 2008

EXAM

1 Tanghaling tapat at kay init. Nagmamadali ako. Sampung minuto na lang. Kailangan kong makarating sa paaralan bago mag-ala-una. Pawis na pawis na ako. Banat nang banat sa pagbibisikleta. Tutok na tutok. Mabilis na ang kabog ng aking dibdib. Hingal na hingal na ako. Pero wala na akong oras para magpahinga. Pedal lang nang pedal. Pedal lang nang pedal.

2 Isa’t kalahating kilometro pa. Napatid ang tanikala ng aking bisikleta. Sinubukan kong ayusin ito. Ngunit hindi ko na maayos.

3 Naupo ako sa gilid ng kalsada. Hindi ko alintana ang init ng araw.

4 Patay. Hindi na ako makakapag-exam. Hindi na nga ako nakabayad ng matrikula, hindi pa ako makakapag-exam. Sayang ang pagpapakumbabang pakiusap ko upang makahingi ng promissory note. Sayang ang review ko kagabi. Hindi na nga ako nakatulog. Sayang lang pala ang lahat.

5 Napayuko ako. Pumikit. Narinig ko ang mga bulong ng hangin. Hindi ko matanggap ang kanyang sinabi na okey lang yan. Kasi hindi okey ang aking nararamdaman. Pero, ramdam ko ang hagod ng hangin sa aking balikat. Napalamig nito ang umiinit na galit sa aking kalooban.

6 Dumilat ako. Nagpasyang takbuhin na lang ang paaralan. Iniwanan ko ang bisikleta sa tabi ng daan. Dalawang minuto na lang at magsisimula na ang aking exam.

7 Pagkalipas ng walong minuto, humahangos akong nakatayo sa labas ng gate ng paaralan. Sabi ng guard kailangan kong dumiretso sa guidance office para kumuha ng permission to enter the class slip. Hindi ako sumunod. Dumiretso ako sa classroom namin. Hindi ako pinapasok ng proctor, sabi niya kailangan ko daw pumunta sa guidance office. Wala akong magawa kundi ang sumunod. Ngunit wala pala si Ma’am Martinez na aming guidance counselor. May pinuntahan daw siya sabi ng secretary niya.

8 Umupo ako sa sofa. Puno ako ng pagsisisi. Sinisi ko ang aking bisikleta. Sinisi ko ang aking ina. Sinisi ko ang aking ama. Wala na kasi kaming pera, kahit dalawang piso lang na pamasahe. Sinisi ko na ang lahat. Sinisi ko ang sarili.

9 Naidlip ako sa inis.

10 Ginising ako ng isang mahinahong paghagod sa aking balikat. Tatlumpung minuto na pala ang lumipas. Dumating na si Ma’am Martinez. Okey lang yan, bulong niya. Siguro alam na niya kung bakit ako naroon.

11 Pinahidan ko ang aking luha. Napatingin ako sa mesa. Nakahanda na pala ang aking test paper. Sabi ni Ma’am duon na lang daw ako mag-exam. Sabay ng magkahalong pawis at luha ang naramramdaman kong pagkamangha at pagpapasalamat.

12 Natapos ko ang exam. Ipinasa ko ang aking papel kay Ma’am. Nagpasalamat. Umalis ako sa guidance office na nakangiti.

13 Palutang akong naglalakad palabas ng gate ng paaralan. Binaybay ko ang daan na tinakbo ko kanina. Naalala ko ang aking bisikleta. Hinanap ko kung saan ko ito iniwan. Ngunit hindi ko na ito makita. Magtatanong sana ako sa isang bahay nang nasumpungan ko ito. Naroon ito sa loob ng gate ng bahay na pagtatanungan ko sana. Nakita ako ng may-ari ng bahay, Kuya Sander daw ang pangalan niya. Agad niyang inilabas ang aking bisikleta. Laki nang tuwa kong nakitang maayos na ito. Inaayos pala ni Kuya Sander ang aking bisikleta. Labis ang pagpapasalamat ko sa kanya.

14 Umalis ako sa bahay ni Kuya Sander na may sigla. Gustung-gusto ko nang umuwi.

15 Pasado alas singko na akong dumating sa bahay. Pumanhik ako. Hinanap ko ang aking ina. Hindi ko pa naibababa ang aking bag, ikinuwento ko na sa kanya ang nangyari. Lumuha siya. Lumuha ako.

– Jun-G Bargayo, SJ –

Posted by: junjeesj | September 4, 2008

SUCCESS KILLS

1 I got excited hearing stories about the past practices of Filipinos in expressing their Catholic faith. There were plays done in the streets. There were religious rites done during feast days. Sadly, the reality is that these practices are slowly fading.

2 The movie, Turumba, explains why these impressive practices of Catholic Filipinos are dying. The reasons may be the emergence of commerce, industrialization and globalization. Before, people were pre-occupied with religious practices. But now, people are so pre-occupied with success that these practices are put aside and given less attention.

3 In the movie, it shows the truth that there are people who are so involved in these traditional rituals done by our grand parents, and because of the practical consideration that were laid in front of them, their priorities changed. There values were influenced. I am not saying that this is wrong, but because of this, our rich expression of faith becomes thinner than and not as impressive as before.

4 Indeed, success kills. No wonder why there are so many nominal Catholics today. The young are formed to compete in the business world. And most of these activities have nothing to do with faith. Today, dancing in the streets during feast is done not really because people are praising the Lord but sadly, for entertainment. I wonder if the Sinulog dancers’ motivation is still their expression of faith or the prize that awaits them in the street dancing competition. 

5 If not with the “manangs” in the church, there would be no more “pasyon” done during the Holy Week.

6 I am not against success. It is also a gift from God. But, if this success of human being would lead to the death of our expression of our Catholic faith, then I think we should do something about it. I am afraid that someday, our children’s children will no longer experience Simbang Gabi because people in the future would think it’s impractical already.

– Jun-G Bargayo –

« Newer Posts - Older Posts »

Categories