Posted by: junjeesj | April 7, 2009

Ika-14 ng Pebrero

1 Sa tabing-ilog ako nakaupo noon. Ika-14 ng Pebrero, 2004. Sabado. Tila mga nangingiliting kamay ang himig ng pag-ibig sa hangin. Hindi ako mapakali. Parang matatawa na hindi. Kahit saan ako bumaling, pares-pares ang aking nakikita. Kung hindi magkahawak ang kamay, sila ay magkaakbay. Kung hindi magkaharap na nag-uusap, sila ay magkayakap. Nakakainis. Nakakainis dahil kusang sumasayaw ang puso ko sa indak ng mga tugtuging pag-ibig. Nakakainggit. Nakakainggit kasi nais ko rin sana ang may katabi, may kahawak-kamay, may kayakap. Pero, ako’y nag-iisa, walang kasama.

2 “Sakay na po kayo sa bangka. Isang daang piso lang ang isang oras,” alok ng mama na nakapwesto sa aking harap.

3 Ewan ko ba. Nasalamangka ata ako ng mama. Agad kong dinukot ang aking pitaka. Kumuha ng isang daang piso at iniabot sa kanya.

4 “Sir, wala po ba kayong kasama?” sabi ng mama.

5 Hindi ko na siya sinagot. Sumakay na lang ako at nagsagwan. Dahan-dahan na akong lumalayo sa tabing-ilog.

6 Sagwan nang sagwan. Unti-unting humihina ang mga himig na nagmumula sa tabing-ilog at unti-unting lumalakas ang tunog ng orkestrang binubuo ng mga malaplawtang ihip ng hangin at ng mga malabiyoling paghagod ng sagwan sa ilog. Kasabay ng orkestrang ito ang musikang nagmumula sa mala-korong awit ng aking hininga at pintig ng puso. Nagbago na rin ang tanawin. Hindi na ang mga pares-pares kundi ang mga punong tila sumasayaw sa kumpas ng musikang aking naririnig. Ganap na sana ang paligid para sa isang tipanan. Ngunit may kulang. Wala akong katipan.

7 Noo’y sampung buwan na kaming magkahiwalay ng aking sinisinta. Hindi kami nagkahiwalay dahil sa nagka-ayawan o nawalan ng pagmamahal sa isa’t isa. Nagkataon lang na may nanligaw sa akin at ako nama’y nagpaligaw. Naalala ko ang mga panahong puno ng paalamanan at iyakan. Hindi ko maikaila na mahal na mahal ko ang aking sinta at siya na ang gusto kong pakasalan. Ngunit pareho kaming walang magawa kundi ang ipaubaya ang aming pagsinta sa mismong tadhana.

8 Patuloy pa rin ang aking pagsagwan nang dahan-dahang dumaloy ang mga dalisay na luhang bumubulong ng mga katanungang hanggang sa mga panahong iyon ay wala pa ring kasagutan. Bakit ako nagpaligaw? Bakit ko hinayaang nakawin ang aking pagmamahal sa aking giliw? Bakit ba ako umibig sa wala man lamang bagay na pwede kong panghawakan?

9 Kinapa ko ang aking damdamin. Ako ba’y may galit o pagsisisi? Pero wala. Nakapagtataka. Ang mga katanungan ko’y katanungan ng isang tunay na nagmamahal. Kahit walang kasagutan, ayos lang. Pakiwari ko, ako’y umiibig na. Isinisigaw ng puso ko na ako’y umiibig ngunit hindi pa alam ng isip ko kung kanino. Napaibig na yata ako ng aking manliligaw.

10 Natigil na ang aking pagsagwan. Nasa gitna ako ng katubigan, iyak nang iyak. Sabi ko, “Sinasagot na kita.” Iyak pa rin ako nang iyak. Wala akong masabi, iyak pa rin ako nang iyak.

11 Sa kaila-ilaliman ng aking puso, narinig kong nagmula ang kanyang mga salita, “Minamahal kita. Asahan mo ang katapatan ko. Magtiwala ka. Hinding hindi kita pababayaan.”

12 Sumagot ang isip ko, “Hindi ko alam kung paano. Wala akong alam kung saan. Hindi pa ako handa sa buhay na alok mo. Pwede bang humingi ng dalawang taong palugit?”

13 “Akong bahala. Hihintayin kita,” alo niya.

14 Katahimikan.

15 Mag-iisang oras na. Nagsimula akong magsagwan pabalik ng pampang. Ako’y nagkaroon ng panibagong sigla. Gusto ko nang makarating agad sa tabing-ilog para mang-inis at mang-inggit sa lahat nang aking makikita. Puso ko’y puno ng saya. Ako’y may bago nang sinisinta.

16 Ngayon ay ika-14 ng Pebrero, 2006. Martes. Salamat at tapos na ang aking mga kailangang ipasa para sa aking application sa nobisyado sa Kapisanan ni Hesus. Natapos ko na rin ang mga examinations at interviews. Hihintayin ko na lang ang resulta kung matatanggap ako sa nobisyado o hindi.

17 Sa isang sulok ng Manresa, isang munting darasalan, nakaupo ako at nakatitig lamang sa kanya. Dalawang taon na nga pala.

18 Katahimikan.

19 Alam mong gustung-gusto kong magkapamilya. Nais kong mag-asawa. Magkaroon ng maraming anak. Bumuo ng isang maganda at masayang pamilya. Ngunit, ikaw na ang nagmamay-ari ng aking puso. Nabago na ang isipan ko nang labis mong pagmamahal sa akin. Gustung-gusto kitang sa tuwina’y kapiling. Nais kong maging tahanan ang pagsisilbi sa iyo. Magkaroon ng ganap na kapayapaan na nagmumula sa pag-ibig mo.

20 Pansin kong hindi na nagtatanong ang aking isip. Ramdam at alam ko na na ako’y matagal na ngang umiibig. Malaya ko nang masambit ang mga kataga ng pag-ibig. Hawak-hawak ko na ang natatanging pag-asang nagbibigay sa akin ng lakas at tapang.

21 Sa ika-25 ng Marso malalaman ko na. Maaring matanggap ako sa Kapisanan ni Hesus. Maaring hindi rin. Kung matatanggap ako, talagang dito ako tinatawag. Kung hindi naman ako matatanggap, hindi ko na mababalikan ang lahat ng aking iniwan. Ikakasal na ang aking dating sinisinta. Hindi ko na mababawi ang aking dating trabaho. Ano man ang maging pasya ay tatangis ako. Ngunit batid ko na magmumula sa pusong puno ng tiwala at pag-asa ang bawat patak ng aking luha. Naniniwala akong dadalhin ako ng Panginoon sa kanyang mithiin kung saan ko rin matatagpuan ang aking lubus-lubusang kasiyahan.

22 Handa na ako. Ang puso ko’t isipa’y handa na sa kahit ano mang maging tadhana.

23 Ang tangi kong bulong sa Kanya, “Naghihintay ako. Ikaw na ang bahala.”

– Jun-G Bargayo, SJ –

Advertisements

Responses

  1. Jun-g, I pray to feel the same love you’ve felt. Gusto ko rin maramdaman ang naramdaman mong pagmamahal sa Diyos and pagmamahal ng Diyos sa iyo.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: