Posted by: junjeesj | January 8, 2009

SANA

1 Tok… tok… tok…

2 Ika-23 ng Disyembre, 1985, anim na taong gulang pa ako noon, nang humahangos na dumating si Lola at Lolo sa bahay namin. Binuksan ni Papa ang pinto, “Iniwan na kayo ni Mila… Isinanla niya ang titulo ng bahay namin ng papa mo. Inubos n’ya ang lahat ng pera sa sugal. Umuwi s’ya. Parang rebentador na pumutok ang galit ng papa mo. Pinalayas s’ya… Iniwan na kayo ni Mila.,” sabi ni Lola.

3 “Magkano po ba ang sanla n’ya sa bahay?,” tanong ni Papa.

4 Agad namang sumagot si Lolo, “Limang libo!”

5 “Limang libo lang pala, bakit n’yo pinalayas si Mila? Kaya ko namang bayaran yun sa susunod na sweldo.,” sabi ni Papa.

6 “Ewan ko sa’yo! Bakit ba pinagtatanggol mo pa si Mila? Anong klase s’yang asawa. Nalulon na s’ya sa sugal. Kelangan n’yang turuan ng leksyon. Ikaw kase kinukunsente mo. Kaya lumalala. Hayaan mo na s’ya. Huwag na huwag mo s’yang hahanapin.,” mataas na ang boses ni Lolo.

7 “Papa naman. Pasko ngayon.,” paliwanag ni Papa.

8 Hindi na nagsalita pa si Lolo at Lola.

9 Hindi ko naiintindihan ang mga pinagsasabi nila Lolo at Lola, pero ramdam ko ang galit nila. Ramdam ko rin na naiinis si Papa. Basta si Mama ang pinag-uusapan nila. Sangla. Sugal. Talo. Layas. Pabayaan. Leksyon. Pasko. Ito ang mga salita na tumatak sa isipan ko. Hindi ko man maintindihan ang pinag-uusapan nila, nakaramdam ako ng takot at naluha ako.

10 Pinapasok ni Papa sa bahay si Lolo at Lola. Hindi man lamang nila ako napansin. Nakabuntot ako kay Papa habang hinahatid n’ya sina Lolo at Lola sa kanilang kwarto. Inilapag ni Papa ang mga bag nila. Agad namang nagmano ako sa kanila. Hinalikan ako nila at niyakap ng mahigpit. Bulong ni Lola, “Kawawa naman ang apo ko.” Medyo matagal ang pagkayakap ni lola sa akin. Umiiyak ata, ramdam ko ang pagpatak ng kanyang mga luha sa aking balikat.

11 “Bakit ako kawawa?” tanong ko sa sarili.

12 “Hayaan na muna nating magpahinga sina lolo at lola mo… Sigurado akong pagod sila. Apat na oras din ang bineyahe n’la mula Cotabato hanggang Kidapawan… Kaya halika na… mamaya ka na lang makipagkwentuhan,” sabi ni Papa sa akin. Tahimik naman akong sumunod.

13 Naupo ako sa sofa namin. Ang lungkot ng paligid. Tinititigan ko ang Christmas tree. Walang ilaw ang mga Christmas lights na nakapaibot dito. Ang lungkot ng tugtog na Christmas song na naririnig ko. Humikab ako at agad na nakatulog.

14 Ginising ako ng mga hagod ng kamay ni Papa sa aking ulo. Nakabihis si Papa.

15 “Saan po kayo pupunta?” tanong ko sa kanya.

16 “Hahanapin ko si Mama,” sagot niya. “Dito ka lang muna. Babalik din ako bukas. D’un ka muna matulog sa kwatro kina lolo at lola mo,” dagdag pa n’ya.

17 Bumangon ako.

18 “Halika,” yaya ni Papa. “Magdasal tayo. Ikaw magsasabi kay Jesus kasi malakas ka sa kanya. Sabihin mo kay Jesus na sana sa pasko narito ang Mama.”

19 Lumuhod kami ni Papa. Nagdasal ako. “Jesus, sana bukas sa pasko nandito na si Mama. Sana mahanap siya ni Papa para masaya ang pasko namin. Amen.”

20 Niyakap ako ni Papa. Nanginginig s’ya. “Magpakabait ka. Hayaan mo mahahanap ko rin ang Mama,” bilin ni Papa.

21 Tiningnan ko si Papa. Sabi ko, “Sabi ni lolo, huwag mo na daw hanapin si Mama.”

22 Nilagay niya ang dalawang kamay n’ya sa aking mukha at sabi n’ya, “Duro. Gusto ko lang maging masaya ang Pasko natin.”

23 Niyakap ko si Papa, “Sama ‘ko Pa!,” hiling ko. Hindi na ako nangulit nang sinabi n’yang hindi pwede. “Sabagay mangangaroling naman kami mamayang gabi,” pag-alo ko sa sarili.

24 Umalis na si Papa. Ako naman excited na sa caroling.

25 Pagkatapos ng hapunan, nangapit-bahay na kami nina Van para mag-caroling. Nakaanim na sampung piso din kami. Tigsa-sampu kami. Masaya na ako dun. Umuwi agad ako sa bahay. Hinanap ko si Lola para magkwento. Dala ko pa ang mga tansang tinuhog ng kawad na gamit ko sa pangangaroling. Pinag-mayabang ko kay Lola ang sampung piso na kinita ko. “Makakabili na ako ng lusis lola,”sabi ko sa kanya sabay yakap.

26 Pinunas ni lola ang pawis ko sa mukha. Nagdasal kami ng rosaryo subalit bago pa man ito natapos agad akong naidlip dahil sa pagod.

27 Maliwanag na nang ako’y magising. Pagkabangon ko, tumakbo agad ako palabas. Inaasahan kong makikita ko sina Papa at Mama.

28 “Duro, saan ka pupunta?” sigaw ni Lola. “Halika muna rito. Kumain ka muna,” dagdag niya.

29 Parang hindi ko narinig si Lola. Tuloy pa rin ako sa paghahanap kina Mama at Papa. Pero, wala pa rin sila. Bumalik ako sa higaan. Napansin ko ang nakasabit na medyas sa bintana. Si Mama ang kasama kong nagsabit nun. Ipinikit ko ang aking mga mata. Nag-wish. “Sana Santa Klaws, pwede po bang madagdagan ang hiling ko ngayong pasko. Sana po kasama ang Mama ko sa robot na hiningi ko na. Papalitan ko nalang po yung medyas ko ng mas malaki.” Ngunit, “Saan kaya ako makakakuha ng malaking medyas?” tanong ko sa sarili.

30 Tumungo ako kay Lola. Humingi ako ng pera sa kanya, “Lola bibili po sana ako ng malaking medyas sa tindahan ni Aling Rita.”

31 Tinanong ako ni Lola kung aanhin ko ang malaking medyas. Sagot ko sa kanya, “Para po magkasya si Mama, hiningi ko s’yang maging regalo kay Santa Klaws.”

32 Sabi ni lola, “Duro, hindi nagreregalo si Santa ng tao. At isa pa, hindi na mahahanap ni Santa ang Mama mo.”

33 Umiyak ako. “Lola tulungan mo naman ako. Hanap tayo ng malaking medyas. Mabait naman ako. Gusto ko kasama si Mama na regalo ni Santa Klaws sa akin.”

34 Nilapitan ko rin si Lolo. Wala na daw kaming magagawa pa. Natakot ako. Takot akong mawala nang tuluyan si Mama. Takot akong hindi mahanap ni Papa ang Mama. Alam kong si Santa Klaws lang ang makakahanap kay Mama. Sana nandito si Mama.

35 Tinawag na ako ni Lola para mananghalian. Umupo ako sa harap ng mesa. Walang kakulay-kulay ang mga pagkain. Sumubo ako. Walang kalasa-lasa. “Lola wala pa po ba sina Papa at Mama?” tanong ko kay Lola.

36 “Wala pa…Kumain ka lang, baka maya-maya ay darating na sila,” sagot niya.

37 Pinilit kong kumain.

38 “Duro! Duro! Duro!” sigaw ng kaibigan kong si Van. Niyayaya niya akong maglaro sa kanila. Nagmadali ako at sumama kay Van sa kanilang bahay. Ang ganda ng mga dekorasyong pampasko sa bahay nila Van. Naglaro kami ng family computer. Masayang-masaya ako kasi lagi ako ang nananalo.

39 “Duro! Duro! Duro!,” tinatawag na ako ni Lolo. Dumating na raw si Papa. Tumakbo pauwi. Hindi na ako nakapagpaalam kay Van.

40 “Papa! Pa! Pa!” sigaw ko. Nakita ko si Papa. Hindi s’ya nakangiti. Hindi n’ya kasama si Mama.

41 Nalungkot din ako.

42 Nag-usap kami ni Papa sa may balkonahe. Sumiksik ako sa tabi ni Papa, malamig nga ang hangin tuwing pasko. “Pasyenya na Duro, hindi ko nahanap ang mama,” sabi n’ya sa akin. Hindi ako umiimik. Ikinuwento ni Papa kung paano n’ya hinanap si Mama. Napatigil s’ya, tumingin sa malayo at nakikita kong may namumuong luha sa kanyang mga mata. Naiyak si Papa.

43 Sabi ko kay Papa, “Di bale Pa, sinabi ko na kay Santa Klaws na gusto kong isama n’ya si Mama sa robot na hiniling ko sa kanya. Pagbibigyan ako nun. Good boy ata ako, di po ba?”

44 “Oo” agad na sagot ni Papa, sabay punas sa pisnging mamasa-masa sa luha.

45 Maaga kaming kumain ng hapunan. Humihirit si Lolo, nagpipilit magpatawa. Wala namang tumatawa kundi ako lang.

46 Nagsimba kami. Tiningnan ko ang mga bata sa paligid ko. Ang saya-saya nila. Halos lahat sila kasama ang mga Mama nila. Pati si Baby Jesus nakangiti rin kasi naman kasama n’ya Mama n’ya. Buti pa nung mga nakaraan pasko buo kami at lagi akong nasa tabi ni Mama. Kanina masaya ako, pero ngayon hindi na. “Sana nandito din si Mama,” bulong ko sa sarili. Nainggit ako. Iniisip ko, “Di bale, mamaya pag-uwi namin nasa bahay na si Mama.”

47 Ang tagal ng misa. Parang hindi na ata matatapos. Hindi na ako mapakali. Maya-maya lalabas ako, kunyari iihi. Palakad lakad. “Father sana tapusin n’yo na po,” reklamo ko.

48 Noong kinakanta na ang “Ang Pasko ay Sumapit,” hinihila ko na palabas si Papa. “Uwi na tayo Pa, baka nasa bahay na si Mama,” yaya ko sa kanya. Walang kibo si Papa.

49 Dumating kami sa bahay. Walang ilaw. Madilim. Wala pa rin si Mama.

50 Nagsimula na akong umiyak. “Hindi na darating si Mama?” tanong ko kay Papa.

51 “Hindi ko alam,” sagot niya.

52 Umiiyak ako kasi takot akong mawalan ng Mama. Takot din ako baka maputukan s’ya ng mga rebentador sa labas. “Saan na kaya si Mama?” paulit ulit kong tanong ito habang nakadungaw sa aming bintana.

53 Nakatulog ako sa kahihintay. Nagising ako ng kaunti nang binuhat ako ni Papa at inihiga sa kama. Sandali lamang at nakatulog ulit ako.

54 Tok… Tok… Tok…

55 Nagising ako. Agad kong tiningnan ang medyas na nakasabit sa bintana. Walang laman. Nakalimutan ata ako ni Santa Klaws. Wala akong regalo. Umiiyak na ako. “Kung nandito sana si Mama, papaalalahanan niya si Santa Klaws na huwag akong kalimutan,” hibik ko.

56 “Bakit ka umiiyak? Paskong pasko eh,” sabi ng boses na narinig ko.

57 “Wala! Wala akong regalo!” padabog kong sagot.

58 “Pwede ba naman yun? Heto may regalo ako sa’yo,” sagot niya.

59 Tiningnan ko siya parang hindi ako makapaniwala. Hindi maliwanag ang paningin ko, nauulapan ng aking mga luha. Lumapit s’ya at pinahiran n’ya ang aking mga mata.

60 Niyakap ko s’ya. “Akala ko… akala ko…” pautal kong sinabi.

61 “Patawad Duro,” sabi niya.

62 Niyakap n’ya akong mahigpit. Iniabot n’ya ang regalo. Kinuha daw n’ya mula sa medyas na nakasabit sa bintana.

63 Nang binukasan ko ito. Wow! Robot. Sabi ko, “Salamat Mama! Salamat Mama!” Hindi ko maipaliwanag ang aking naramdaman. Ang saya!

64 Iniwan muna nila akong mag-isa sa kwarto. Naulinigan kong nag-uusap sila Mama, Papa, Lola at Lolo sa sala. Matagal din silang nag-usap. Pinilit kong makinig. Tinapat ko ang aking tenga sa pinto. Wala pa rin akong marinig kundi ang salitang, “Patawad,” na nagmumula kay Mama.

65 Nilaro ko nalang ang robot.

66 Maya-maya tinawag na ako ni Papa. Handa na pala ang almusal.

67 “Mukhang masarap ang pagkain na inihanda ni Lola,” pasigaw na bati ni Papa.

68 “Naaamoy ko na ang Hamon at keso de bola,” dagdag pa n’ya.

69 Lumapit ako sa mesa na sumisigaw ng buong pagmamalaki, “Papa! Papa! Lolo! Lola! Tingnan n’yo ang regalo ni Santa Klaws.”

70 “Wow!” korong sagot nila.

71 Huling huli kong kumindat si Papa kay Mama.

72 Tiningnan ko si Mama, si Lola, si Papa at si Lolo. “Bakit po namumugto ang inyong mga mata? Umiyak po ba kayo?” tanong ko.

73 Walang kumibo.

74 “Maligayang Pasko!” sabi ni Papa.

75 Pinatugtog ni Lolo ang radyo. Masaya naming sinasabayan ang kanta, “Pasko! Pasko na naman muli… Ang pag-ibig s’yang naghari…”

– Jun-G Bargayo SJ –

Advertisements

Responses

  1. Just read this entry. grabe…napaiyak mo ko. malalim talaga ang pinaghuhugutan mo. no wonder you can write well, you can compose well because your experience. masaya rin ako kasi alam ko ngayon, maayos na ang lahat. thanks for this super moving story. Napakatingkad ng pagmamahal sa iyo ng Diyos. Pinagpala ka, Jun-G 🙂


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: