Posted by: junjeesj | July 14, 2008

PANIMULA

1 Hulyo na pala.

2 Tatlong taon na ang nakalipas mula nang una akong pumunta upang manirahan ako sa Arvisu na isang Pre-novitiate House ng mga Heswita. Umuulan noon. Nasa taxi ako, tiniteks ko si Fr. Archie. Inilantad ko sa kanya ang aking naramramdaman. Kasing lakas ng tagaktak ng ulan ang tibok ng aking puso. Bumabaha ng pawis ang buo kong katawan. Tila yata nalulunod ako. Nahihirapan na akong huminga. Sana hindi ospital ang aking kahahantungan.

3 Simbilis ng ambulansya ang sagot ni Fr. Archie, “Holy anxiety. Magdasal.”

4 Nagdasal ako. Pumikit. Pumasok sa isip ko ang aking mission trip sa East Timor. Magbibigay ako ng talk noon tungkol sa pagsunod sa panawagan ng Diyos. Hindi pa man tinatawag ang pangalan ko upang magsalita, naliligo na ako sa pawis. Balisang-balisa ang aking damdamin. Malaking katanungan ang nasa isip ko, “Maiintindihan kaya nila ako?” Marahil tatango, tatawa, at tutugon sila ngunit hindi dahil sa talas ng aking pananalita kundi sa dating ng aking kilos. “Hindi ko yata kakayanin ito. Hindi si Jose Ramos-Horta ang kailangan dito kundi si Charlie Chaplin,” kutya ko sa sarili.

5 Kinalkal ko sa kaibuturan ng sarili ang lakas ng loob. “Para ito sa Kanya,” bulong ko. Kung mabagal ang nagtungo ko sa harap, mabilis naman ang pag-abot sa akin ng mikropono. Kaytagal bago ko nabitawan ang una kong mga salita, “Good evening.” Kailangan ko lang palang simulan. Himala! Nagwakas ang aking talk nang di ko namamalayan. Nagsimula akong takot, natapos naman ako na punung-puno ng lakas ng loob.

6 “Katipunan na po tayo sir.,” sabi ng taxi driver. Nataranta ako. Kay lapit na ng Arvisu. Masid ko ang pagtila ng ulan kasabay ang pagkalma ng aking dibdib. May takot pa rin ngunit batid kong may tapang na umuusbong sa aking puso.

7 Lumiko ang taxi sa B. Gonzales St. Huminto sa harap ng puting bahay. Iniabot ko ang aking pamasahe. Bumaba. Huminga ako ng malalim. Humugot ng lakas. Pinindot ang doorbell. Kaagad na may nagbukas, nakangiti. Si Bro. Raymund. Inabot ko ang aking kamay sa kanya at sinabi, “Good Evening!

8 Inihatid ako ni Bro. Raymund sa aking silid. Nakaupo ako sa aking higaan nang aking marinig ang isang himig, “Ang sinumang sa Aki’y mananahan, nananahan din Ako sa kanya…” Hinaharana ako ng aking mga bagong kasambahay. Lubos ang aking kagalakan. Nang matapos ang harana, iniwan nila akong mag-isa. Iniayos ko ang aking mga damit sa aparador. Nilagyan ko ng bed sheet ang aking higaan. Naligo. Nagbihis. Nahiga. Naisip kong manalangin. Nagtungo ako sa chapel. Nagdasal, “Panginoon, narito ako. Alay ko ito Sa’yo.” Kasabay ng mga dasal na ito ang pagtulo ng aking mga luha; luhang nanggagaling sa bukal ng pagtitiwala.

9 Matapos ang aking pagdarasal, bumalik na ako sa aking silid. Kinuha ko ang aking celphone at nag-text, “Fr. Archie, maraming salamat po. Nandito na ako. Todo na ‘to!” Ang sagot ni Fr. Archie, “Enjoy!

– Jun-G Bargayo, SJ –

Advertisements

Responses

  1. Bro, I’m from SfC too, although, I think God has no plans (na?) for me to have a religious vocation. Single-blessedness seems to be it.

    Met you will u were still at Arvisu House.

    My prayers for you and all the novices.

    “Ukol sa lalong makapagbibigay-puri sa Diyos”


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: